top of page
Action for Economic Reforms

ILULUGMOK NI MARCOS JR. ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS

Ang parating na halalan ngayong taon ay isang sangandaan sa buhay ng ating bansa. Dahil sa matinding epekto ng pandaigdigang pandemya sa ating ekonomiya, mahalaga na may malinaw na plano ang susunod na pangulo upang maibsan ang panganib ng COVID-19 at maibangon ang ating ekonomiya. Ngunit kung mangyayari ang sinasabi ng mga survey, nanganganib ang kinabukasan ng ating ekonomiya.


Nangunguna sa mga survey si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at kapahamakan ito para sa lahat. Sa isang pagtatanong ng Bloomberg sa 28 namumuhunan at tagapagsuri, nakakuha ng 46 puntos si Marcos Jr, pangalawang pinakamababa sa 5 kandidato. Samantala, si Bise Presidente Leni Robredo ay nakakuha ng 105 puntos, pinakamataas sa 5.


Nakikita ng mga tagapagsuri, namumuhunan, at ekonomista ang masasamang hudyat sakaling maging pangulo si Marcos. Si Bongbong ang anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr na ang pamumuno ay kinakitaan ng pangmalawakang korapsyon, “cronyism,” politikang hindi matatag, at pagbagsak ng ekonomiya. Ang kampanya ni Marcos Jr ngayon ay nakabatay sa huwad na propaganda tungkol sa pamana ng kanyang ama at gumagamit ng mga kasinungalingan at pag-rebisa ng kasaysayan upang mapaganda ang kanyang imahen.


Ang anak ay katulad ng ama, ngunit higit na mababang-kalidad, dahil ang kanyang platapormang pang-ekonomiya ay nakasalalay sa isang hungkag na retorika ng “pagkakaisa” at hindi sa tunay o mga konkretong plano o polisiya. Wala rin siyang gaanong nagawa bilang Senador at nasangkot pa sa “pork barrel scam.” Nahatulan din siya dahil sa hindi niya pagbayad ng buwis at dahil sa mga nakaw na yaman. At ginugol niya ang nakalipas na 6 na taon sa pagpapalaganap ng kasinungalingan at sa paglulustay ng oras at pera ng pamahalaan upang tutulan ang resulta ng nakaraang halalan para sa bise presidente kung saan malinaw na siya ay natalo. Lantarang siyang nakipag-alyado sa mga politikong nasangkot sa korapsyon tulad niya.


Ang mga panganib na kaakibat ng pamumuno ni Marcos Jr ay korapsyon at iresponsableng pamamahala ukol sa pananalapi, lomolobong utang ng bansa, pagbaba ng credit rating ng bansa, pag-unti ng pamumuhunan sa bansa, pag-impis ng pumapasok na pera mula sa mga OFW, paglubha ng kahirapan, at ekonomiyang napag-iwanan. Dahil sa mga ito, hindi nakapagtataka na ang merkado at mga namumuhunan ay nangangamba sa kampanya ni Marcos Jr. Umiiwas siya sa mga debate at hindi niya sinasagot ang mga mahihirap na tanong. Hindi ito isang pamumuno na magbibigay ng kumpiyansa sa gitna ng ekonomiyang walang katiyakan ang takbo.


Mabuti na lamang at hindi naididikta ng mga survey ang kalalabasan ng halalan. May isang kandidatong higit na karapat-dapat, may mga konkretong plano, at marami nang nagawa: si Bise Presidente Leni Robredo.


Ang mga tagasuri at namumuhunan na tinanong sa survey ay higit na may kumpiyansa kay Robredo. Higit sa 160 pangunahing ekonomista at 500 dating empleyado ng ahensiyang pang-ekonomiya sa gobyerno ay sumusuporta sa kandidatura ni Robredo sa pagka-pangalawang pangulo.


Ang mga merkado at namumuhunan ay higit na may paniniwala at umaasa sa mga konkretong plano ni Robredo kung saan may tapat at mahusay na pamumuno; mas mabuting kompetisyong pangkabuhayan at magaang pagnenegosyo; pagtataguyod sa mga micro, small at medium enterprises; pagbibigay ng panlipunang proteksyon at mga hakbang na pampasigla ng negosyo; at pagpapalakas ng sektor na pangkalusugan upang maibsan ang epekto ng COVID-19 sa bansa.


Ang rekord ni Robredo sa pamahalaan ay hindi na kailangang ipaliwanag pa: ang kanyang karanasan sa ehekutibo, pambatasan, at panghukumang sangay ng pamahalaan; ang kasanayan niya sa larangan ng batas at ekonomiya; ang kanyang paglilingkod sa mga mahihirap na sektor at komunidad; ang kanyang pagiging tapat sa mga prinsipyo ng pamamahalang may pananagutan at naaaninag; at ang mga maagap na hakbang sa mga kritikal na bahagi ng pandemya.


Malinaw ang pagkakaiba ng dalawang kandidato. Babagsak at walang patutunguhan ang ating ekonomiya sa pamumuno ni Marcos, samantalang magkakaroon ng pag-asa at babangon ito muli sa pamumuno ni Robredo. Hindi man nangunguna ngayon sa mga survey si Robredo, bumubuwelo naman ito habang papalapit ang halalan. Ang mainit at masiglang pagdalo ng mga tao sa kanyang mga rally at ang likas na pagsali nila sa kampanya ay nagpapakita ng matinding kagustuhan ng mga tao sa kanyang plataporma at uri ng pamumuno. Gamitin natin ang ating boto para sa ikabubuti ng ating ekonomiya.

bottom of page